Tokyo Drift

2 Jun

After the Break-Up: Day 30

Nakasakay kami sa kotse ni Cheska. Papunta kami sa office. Nasa harap si Cheska at Alexi habang nasa likod kami nakaupo ni Carla. Nasa QC Circle kami nung may nakagitgitan si Cheska na isang jeep. Inunahan ni Cheska yung jeep.

Then, all of a sudden, biglang lumiko si Cheska pakanan. Parang nag-shift ng 90 degrees yung mga mundo namin. Nabingi ako sa screech nung gulong nung kotse. Lumundag yung puso ko. Feeling ko nasa Fast and the Furious ako sa bilis ng pangyayari. Nagsitalsikan sakin yung mga bags. At tumalsik din papunta sakin si Carla habang sumisigaw ng “cheska!!!”.

Tinanggap ko lang yung katawan ni Cheska na bumangga sa katawan ko. I stayed firm para di rin ako tumalbog nang husto sa bintana ng kotse.

I wanted to hug her, pero di ko ginawa. Hinayaan ko lang na kumapit sa siya isang daliri ko (na may pasa ngayon dahil dun napunta lahat ng bigat niya).

Pagkatapos ng ilang mabibilis na segundo, hinayaan ko rin siyang bitawan yung daliri kong yun.

 

 

 

God Wants You To Know

2 Jun

After the Break-Up: Day 28

Eto na. Eto na talaga yung araw na makikita ko ang mga pagmumukha nung dalawang ungas na nanggantso sakin. Sabi ko sa sarili ko, mindset lang. Lagi ko lang isipin na “it’s her lost not mine.” Tanga si Carla. UP Grad ako. Cum Laude pa ko. 22 years old lang, kaedad niya. Pinagpalit niya ko sa 28 years old na lalaking nakadalawang kurso na at tatlong beses pa bumagsak sa board exam na hindi makasunod ng simpleng instruction sa opisina. Saksakan ng kabobohan yung taong yun.

Well, bagay sila ni Carla. Pareho silang bobo’t tanga. Oo na. Ako na ang reyna ng ka-ampalayahan. Isa lang lamang sakin ni PJ. May t*t* siya, ako wala.

E ano naman ngayon?

I always believe, lahat ng tao mahal ni Papa Jesus. May reason si Papa J bakit may mga bakla at lesbiyana. At naniniwala din akong walang gender pagdating sa pag-ibig.

Dadating din yung taong para sakin. Sabi ko nga sa isang kaibigan kong si Maan, sana ipa-LBC na ni Papa J yung taong yun. Sabi naman ni Maan, “Friend, pag di pa ready ang heart mo na magmahal ulit, kahit ipa-LBC pa yun ni Lord, for sure, made-delay pa rin yung dating nun. Baka maligaw pa muna sa ibang lugar. Ibibigay Niya yung taong parang sayo sa panahong ready ka na at ready na ang puso mo. Don’t worry. I-enjoy mo muna yung sarili mo.”

Tama eh. Tama si Maan. Kelangan mahalin ko muna sarili ko. Kelangan kong maging buo ulit. Pag nangyari yun, matitimbrehan na si Papa J na ready na ko at ipapa-LBC na niya talaga yung taong para sakin.

Magggym na ko. Magpapa-rebond ako. Magsha-shopping ako. Magta-travel ako. Mas papahalagahan ko muna ang sarili ko.

Kaya ko to. Kakayanin ko.

“Happiness is a decision.”

– Maan

“Wag ka papatalo friend. Pag nagmukmok ka habang ang saya-saya nila, ikaw ang kawawa. Mahirap sa simula pero aralin mong wag magpa-apekto.”

– Krish

“Place a high value on yourself. You deserve better than that. Ikaw si Belle. Matalino ka. Matino kang tao. Walang taong may karapatan na tratuhin ka ng ganyan.”

– Cheska

“Mahirap. Pero lagi mo na lang isipin yung family mo. Sila ang reason kung bakit ka nagta-trabaho ng ganyan. Wag mo hayaang yung dalawang taong yun ang humadlang sayo na abutin yung mga gusto mo sa buhay.”

– Alexi

“Lahat ng emotions, nagiging self-inflicting na lang pag tumatagal. Kelangan mong labanan emosyon mo. Magiging okay ka rin my friend.”

– Bobby

“Pag may nawawala, may kapalit na mas maganda.”

– Matt

“It hurts to lose someone. Most especially if you have loved that person for the longest time you could ever imagine. You have built your dreams together. You’ve made a promise of forever together and you’ve looked forward for a happy everafter. But then suddenly left you. No amount of consolation could ease the pain. You want to die coz’ it’s tormenting you. BUT LIFE MUST GO ON! WE JUST HAVE TO BE STRONG AND ACCEPT REALITY. :))”

– Ali

“On this day, God wants you to know… that all is well. All is going according to plan. Trust that there is a bigger picture. Trust that life is unfolding as it should.”
                                   – God Wants You To Know App sa Facebook

 

My New BFF: Antonov

2 Jun

After the Break-Up: Day 28

Ready na ko pumasok sa office. Ready na kong makita yung pagmumukha nung dalawang ungas na nanloko sakin. Eto yung unang araw na makikita ko sila na alam ko ng sila na. Pero, bigla akong naka-receive ng text.

“Belle, bahay ka? What time ka pasok? Break na kami ni Jake. Inom tayo…” – Krish

Ding dong! Eto na ang totoo kong drinking buddy. Wala ng isip-isip. Reply kagad ako.

“Bahay pa ko. Papunta na sa office. Tara! Mamayang gabi na lang ako punta sa office. San tayo?” – Ako

“Kita na lang tayo sa sm. Tapos sa bahay na lang tayo para tipid, dun na tayo bili ng drink.” – Krish

Inayos ko kaagad yung mga maiiwan kong trabaho sa opisina. Tinext ko si Cheska.

“Cheska, can I still grieve for one more day? Promise, after this day, wala ng Carla issue. Focus na ko sa work.” – Ako

“Sige, okay lang. Lagyan mo muna ng bandage yan hehe. Di kaya yan ng bandaid lang.” – Cheska

Yes!

Pagkakita ko kay Krish, sinabi niya kagad sakin na kila Ali na lang kami mag-iinumang dalawa. Sabi ko, okay na rin para may mag-alaga pag nawasak kaming dalawa.

Kain muna sa bahay nila Ali. Tapos, nag-umpisa na ang pakikipagkilalala namin ni Krish kay Antonov. Iba ang hagod ni Antonov ah. Mainit-init at may guhit.

Nung una, sige lang ang kantahan namin Krish gamit ang mga karaoke videos sa Youtube. Maya-maya, nakaramdam na ko ng kakaibang tama. For your info, never akong nawasak sa inuman. Madalas, ako yung nag-aalaga sa mga lasing. Madalas, natutulog ako ng hindi man lang na-satisfy. So ang naging goal ko nung araw na yun, mawasak. As in wasak. Since yung drinking buddy ko naman e heartbroken din, e di all out na ang wasakan.

Ang daldal ko. Lumabas yung tunay kong kulit. Nakabasag ako ng baso nang di ko matandaan kung pano ko nabasag. Ang dami kong nasabing mga maruruming salita. I couldn’t stop talking. Kinulit ko si Ali, tinatanong ko siya kung bakit nakalimutan ni Carla yung 4 years namin bilang magkarelasyon plus yung 4 years namin bilang magkaibigan. Dinaldalan ko si Krish kahit tahimik na siya at antok na antok na (nga pala, nagkabalikan din sila ng boyfriend niya nung araw na yun). Tinawagan ko si Matt, kinukulit ko na siya na hiwalayan na niya yung boyfriend niya dahil maghahanap din yun ng babae eventually. Tinawagan ko rin si Alexi at Cheska, binabanatan ko lang sila ng mga English grammar ko. Inaway ko din yung ate ni Ali na bisexual din, na nang-iwan din ng girlfriend niya dati para sa isang lalaki.

At ang favorite kong sabihin nung araw na yun: “FRIENDS, PLEASE LOVE ME TOMORROW, PLEASE.”

Aware kasi akong wasak na wasak na ko nun. As in di nagpahinga yung bibig ko kakadaldal. Manhid na yung mga labi ko nun. Basta ang gusto ko lang, ilabas lahat ng nararamdaman ko. Tapos gusto ko kinabukasan, pagtawanan na lang namin lahat yung mga nasabi ko at mahalin nila ulit ako.

Grabe. Nung mga kinagabihan na, nahimasmasan na ko. Bumaba na yung tama ko. Sarap sa pakiramdam ilabas lahat ng mga hinanakit ko. Sarap. Di pa pala ako ready na makita yung dalawang ungas na yun.

Isa lang na-realize ko nung gabing yun: ang daming nagmamahal sakin! May isang nawala pero ang dami pala talagang nagmamahal sakin. Mga taong hindi nagsawa sa mga paulit-ulit kong sinasabi. Mga taong hindi ako basta-basta iniiwan sa mga panahong mahinang-mahina ako. Mga taong tanggap ako sa kung anuman ako.

Patulog na ko nung tumunog yung cellphone ni Krish. Pinabasa niya sakin yung message dahil antok na antok na siya.

“Kamusta si Belle? Nakainom daw siya…” – Carla

Dinelete ko.

29 May

After the Break-Up: Day 27

 

 

SILA NA.

Refresh

25 May

After the Break-Up: Day 11

Pag-uwi ko ng bahay, facebook kaagad ang inatupag ko. Online si Carla. Online din si PJ. Badtrip. Hindi ako china-chat ni Carla. So hindi malayong magka-chat sila.

Nakakainis.

Ni-refresh ko. Online pa rin sila pareho.

Nakakairita.

Ni-refresh ko ulit. Online pa rin sila pareho.

Nakakabadtrip.

Ni-refresh ko for the third time. Online pa rin sila pareho.

Nakaka-paranoid.

Ni-refresh ko ulit. Online pa rin sila pareho.

Mga bwisit! Log out na lang ako!

Nurse Carla

25 May

After the Break-Up: Day 9&10

Pagkatapos sa office, dumiretso kami nila Cheska, Alexi at Carla sa bahay nila Cheska para pag-meeting-an yung upcoming activity ng team namin. Sa loob ng sasakyan ni Cheska, medyo awkward yung aura. Di kami nag-uusap ni Carla. Madalas, si Alexi at Cheska lang ang kakwentuhan ko. Tahimik lang sa buong biyahe si Carla.

Pagdating namin sa bahay nila Cheska, kumain muna kami. Naparami yung kain ko ng rice. Busog na busog ako. Habang nagmi-meeting, panay rin ang kain naming apat ng chichirya at chocolates. Maya-maya, nakaramdam na ko ng sakit ng tiyan. Pero di ko lang pinansin.

Sa kama natulog sina Cheska at Alexi, habang magkasama naman kami sa higaan sa lapag ni Carla. Patulog na kami nung nakaramdam ako ng matinding sakit ng tiyan. Hindi ko maintindihan yung sakit. Di ko ma-figure out kung natatae ba ko o nasusuka. Nasa gitna ng tiyan humahagod yung sakit.

Patay na yung ilaw. Di ko alam kung ano gagawin ko. Di ko na magising sila Cheska at Alexi so kinalabit ko na si Carla. Ayoko man kausapin si Carla nun eh wala na kong choice, alam ko siya lang ang makakatulong sakin, nurse din kasi siya. Hinawak-hawakan niya yung tiyan ko. Tinatanong niya kung saan yung masakit. Sabi ko, sa gitna yung masakit. Gusto ko daw ba ng mainit na tubig. Sabi ko, ayoko. Sabi ko, itutulog ko na lang yung sakit. Nakatulog ako habang hinihimas-himas ni Carla yung tiyan ko.

Nagising ako ng madaling araw. Mas lalong sumakit yung tiyan ko. Tulog silang tatlo. Hindi ko na alam gagawin ko nun. Namimilipit na ko sa sakit. Gusto ko ng sumigaw kaso naalala ko, nasa ibang bahay pala ako. Nahiya akong gisingin sila Cheska at Alexi. Kinalabit ko ulit si Carla. “Ang sakit-sakit ng tiyan ko, pwede mo ba kong ibili ng gamot sa labas?”, sabi ko. Kahit bangag bangag pa si Carla, tumayo siya kaagad. Hindi siya nagbihis at hindi rin siya nagsuklay, lumabas na siya kaagad. Nagulat ako. Knowing her, hindi siya lumalabas ng bahay nang hindi maayos hitsura niya.

After 30 minutes, bumalik siya. Pinainom niya ko ng gamot. Pinunasan niya ng efficascent oil yung tiyan ko. May dala rin siyang hot water na nakalagay sa isang styro na baso. Pinainom niya sakin yung hot water ng dahan-dahn. Then, pinatulog na niya ko.

Paggising ko, okay na yung tiyan ko. Hindi na masakit. Pumasok na kami sa office. Hindi na ulit sumakit yung tiyan ko nung araw na yun. Thanks to Carla.

Pag-uwi ko sa bahay, tiningnan ko kaagad kung online siya sa facebook. Hindi kasi ako nakapag-thank you sa kanya personally kaya nakipag-chat na lang ako sa kanya.

BELLE: Uy, SOBRANG THANK YOU kanina ah! Sensya na kung nagising kita nang wala sa oras at na-haggard ka sa pagbili ng gamot ko. Thank you talaga. Hindi ko alam kung anong gagawin ko kung wala ka dun. 🙂

CARLA: Wala yun, IKAW PA 🙂

Basha

20 May

After the Break-Up: Day 8

Somehow, yung nangyari nung inuman namin ni Carla sa bahay niya eh na-push akong mag-start ng mag-move on. Naisip ko kasi hirap naman kung hihintayin ko siyang ma-figure out niya kung ano ba talaga gusto niya. Kailangan kong mag-move on at ituloy ang buhay ko.

Papunta ako ng office nung araw na yun nang may nadaanan akong salon. Wala sa plano kong magpagupit ng buhok pero nung moment na yun, na-feel ko na gusto ko ng bagong something sa sarili ko. Pagpasok ko sa salon, dalawang bakla yung naggugupit. Medyo na-shock ako. Parang di ko ata kayang ipagkatiwala yung buhok ko sa dalawang bakla na yun. Medyo may bad experiences na kasi ako sa mga salon na nasa tabi-tabi lang. Pero keber lang, go pa rin. Bahala na si wonderwoman.

Infairness, ang ganda nung resulta!

Paglabas ko ng salon, feeling ko ang ganda-ganda ko. Feeling ko ang daming tumitingin sakin. Pagdating ko sa office, ang daming nagulat sa new look ko. Ang sarap ng feeling na ang daming nakaka-appreciate sakin other than Carla.

Ang sarap pagsigawan nung hapong yun na,”Maganda ako! Makakahanap din ako ng kapalit ni Carla Batumbakal! “

Drinking Buddy

20 May

After the Break-Up: Day 7

(Trivia: 53rd monthsary DAPAT namin nung araw na yun)

One week na yung nakakalipas simula nung gabing nakipag-break ako kay Carla. Habang nasa office na kami, naisipan ko siyang tanungin about sa desisyon niya. Sabi niya, may desisyon na siya pero di pa 100 percent. Napansin kami ni Cheska na na nag-uusap. Niyaya kami ni Cheska na sa kotse na lang niya kami mag-usap para private.

Pumasok kami sa loob ng kotse, sa driver seat umupo si Cheska tapos si Carla naman eh sa passenger seat umupo habang ako naman yung nakaupo sa likod. Ang dami ng sinasabi ni Carla nun na kesyo ayaw na niya kong masaktan ulit kaya somehow ayaw na raw niya makipagbalikan. Pero di pa rin daw siya sure kasi ayaw pa rin daw niya ko mawala. Masakit yung mga sinasabi niya kasi nagsi-sink in na naman na shet, wala na talaga kaming pag-asa. Alam mo yun. Kahit anong sakit nung mga ginawa niya saking panloloko, ang bottomline, kaya ko pa rin siyang tanggapin kasi sobrang mahal ko siya. Ayokong mawala si Carla. Ang corny sabihin pero di ko kayang mabuhay ng wala siya.

Umiyak ako ng umiyak. Hinawakan ni Carla yung kamay ko. Hindi ako pumalag. Nung lumakas pa lalo yung iyak ko, lumipat si Cheska sa likod ng kotse at niyakap ako. Habang umiiyak ako at yakap ko si Cheska, binitawan ni Carla yung kamay ko. Nilingon ko siya. Nakatitig lang siya sa harap ng kotse, hindi niya ko tiningnan. Naramdaman ko na gusto niya rin akong yakapin tulad ng dati pero di na niya magawa.

Sabi ni Carla, masaya naman daw talaga kasama si PJ at compatible sila pero nakakaramdam pa rin daw siya na parang may kulang. Dami niyang sinabi na somehow gumaan yung pakiramdam ko. Naisip ko, may pag-asa pa. Tumahan na rin ako eventually. Inalok niya ko na kumain ng vanilla ice cream sa isang restaurant na malapit sa office. Nung una ayaw ko kasi ayoko ng tumanggap ng kahit anong sweetness galing sa kanya. Pero napapayag pa rin niya ko.

Hindi na sumunod si Cheska sa restaurant. Kaming dalawa lang ang naiwan. Parang walang nangyari. Ang eksena eh parang kami pa at usual date lang namin yun nung gabing yun. Yung inorder niya e yung food na gustong gusto ko. Siya naglagay ng food sa plato ko. Katulad ng dati, marami yung nilagay niyang food sa plato ko kesa sa plato nya. Nag-share kami sa banana split with three scoops of vanilla ice cream on top nang walang awkwardness. After kumain, hinahawakan niya lang yung kamay ko habang nagkwe-kwentuhan kami at nagtititigan. Para talagang walang masasamang nangyari sa relationship namin.

Masaya yung kwentuhan namin. Yung usual lang na patalon-talon ng topic. Hindi ko alam kung papano napunta sa usapang inuman. Bigla kaming nagkatinginan tapos nagkayayaan na kami na uminom sa bahay nila after kumain. Gusto daw niya kasi na bago kami maghiwalay ng tuluyan eh magawa niya yung mga bagay na di niya nagawa before like maging drinking buddy ko. Mahina kasi talaga si Carla sa inuman kaya hindi siya ang drinking buddy ko.

Habang nasa biyahe, hindi ko talaga alam kung tama ba yung desisyon ko na sumama sa bahay nila at makipag-inuman. 60 percent gusto ko siya makasama nung gabing yun, 40 percent ayoko dahil di ko alam kung anong mangyayari kinabukasan.

Pagdating sa bahay nila, di ako kagad pumasok sa kwarto niya like I always do kasi hindi na kami, feeling ko normal lang ako na bisita. After namin mag-freshen up, niyaya na niya ko sa loob ng kwarto niya. “Ilatag na natin yung kutson dito sa baba para pag nalasing ako diretso na ko tulog”, sabi ko. Sabi naman niya, “Bakit? Dito ka na lang sa kama matulog.” So hindi ko na nilatag yung kutson.

Nagsimula na kami mag-inuman. Habang may sinasabi siya, humingi siya ng yakap, pinagbigyan ko, niyakap ko siya. “Alam mo dati may ganito na rin namang issue sakin. Nung mas bata pa tayo, naiisip ko na what if di pala to yung gusto kong buhay? Na gusto ko pala ng normal na pamilya. Pero sabi ko nun, bahala na basta masaya tayo. Enjoy lang natin yung time natin together. Naalala mo nung nag-church tayo together dati, pasko ata nun, napaiyak ako. Tinatanong mo ko kung bakit ako umiiyak, di ko sinabi sayo yung totoong dahilan. Ang nasa isip ko talaga nun, parang di tama yung relasyon natin pero alam ko nun na masaya ako sayo. Alam mo yun, matagal na kong may nararamdamang ganito sa relationship natin, nagkataon lang na may taong nag-trigger na isipin ko ulit yung thought na yun”, sabi ni Carla.

Blanko lang reaksyon ko sa mga sinabi niya. Tuloy ang inuman. Tapos napahiga siya, niyaya niya ko na humiga din sa tabi niya. Hindi ako gumalaw. Tinanong niya ko kung bakit ayaw ko. Sabi ko, “hindi ko alam kung dapat ba kitang yakapin.”

So bumangon na lang ulit siya at nagsalita ulit. Medyo namumula na rin siya nung mga panahon na yun. “Kailangan ko lang talaga hanapin yung sarili ko. Kailangan kong malaman kung ano ba talaga ang gusto ko. Gusto ko, kung babalik man ako sayo eh totoo ko ng masasabi na ikaw talaga ang gusto ko. Na wala talaga. Na na-try ko na yung lalaki pero wala talaga. Kay Belle pa rin ako. Yung ganun”, sabi ni Carla.

Blanko pa rin yung reaksyon ko. Ewan ko ba. Parang ayoko mag-react. Unti-unti kasing pino-process nung utak at puso ko yung mga sinasabi niya. Bigla niyang hinawakan yung mukha ko. Sabi niya, “Pag alam na alam na alam ko na na ikaw talaga ang gusto ko, hahanapin talaga kita, kahit saan mang sulok ka man ng mundo. Kung may karelasyon ka na sa mga panahong yun, naku, wag ka lang magpapakita ng katiting na pagkagusto sakin dahil aagawin talaga kita. Gagawin ko ang lahat para makuha kita ulit.”

Niyakap niya ko ng mahigpit. Tapos, nagkatinginan kami. Nagpaalam ako na hahalikan ko siya. Pumayag naman siya at hinalikan niya ko. One kiss led to something else. Hiniga ko siya sa kama. When I was about to do more things to her, napaisip ako. Naka-feel ako na parang hindi tama. Lasing na rin kasi siya. I stopped. Binihisan ko siya tapos inayos ko yung pagkakahiga niya sa kama. Kinumutan ko siya at hinalikan ko siya sa noo. Naglatag ako ng kutson sa sahig at dun ako natulog.

Kung manyak lang akong lalaki, pwede kong gawin lahat ng gusto ko sa kanya nung moment na yun. Pero hindi kasi tama. Hindi ko kasi naramdaman nung moment na yun na gusto rin niya. Naisip ko na baka dala lang ng alak kaya somehow nag-give in siya sakin kaya I decided na hindi na lang ituloy. I also felt na wala na kong right na gawin yun sa kanya. Hindi na kami.

A Whole New World

19 May

After the Break-Up: Day 6

Lakas ng ulan! Parang ang sarap maligo nun sa ulan habang umiiyak. Para di halata. Kaso baka ma-weirdo-han yung mga tao sa bahay namin pag bigla akong lumabas at naligo sa ulan. So I decided to go out na lang.

Tinext ko yung mga ka-barkada ko na ka-barkada din ni Carla. Sabi ko, “hi friends! labas tayo, i need some friends 😦 …” Infairness, lahat naman sila e nag-reply.

ALI (my gay friend na super bait and thoughtful): “Hmmm. Friend, kakarating ko lang actually ng bahay. And ang lakas ng ulan. Pero sige, palit lang ako ng damit then meet na tayo.”

KRISH (my bisexual friend na counsellor namin pareho ni Carla pag nag-aaway kami): “Friend, dito na lang tayo sa bahay if you want? Medyo short kasi yung budget ko today. Pero kung gusto mo sa labas talaga, go pa rin naman ako.”

MATT (my gay friend na ibang klase rin mag-advise): “Sige friend, what time ba? Pag tumila ang ulan, go na ko.”

BOBBY (my gay friend na sobrang supportive at hindi emotion-based mag-isip): “Friend, bed weather yung panahon ngayon. Pero patilain ko lang ang ulan, punta na ko.”

Grabe, I so love them! Sila talaga ang mga tunay na kaibigan. One text away lang. Literal.

So nung nagkita-kita kami, they tried their best na mapatawa ako. Nag-videoke kami. Grabeng lafftrip din naman yun. Yung mga kanta nila puro patama. Saya na sana ng bonggang-bongga kaso ako ang pinagbayad nila. Konti pa naman yung dala kong pera nun.

After videoke, kumain na kami. And then, nagsimula na yung talk show ko. Dami nila tanong kung ano ba talaga nangyari. Sinagot ko lahat. Pinaramdam nila yung support nila sakin at kay Carla din syempre though “bad cop” ang dating ni Carla sa kwento ko. Well, “bad cop” naman talaga siya. Cheater.

Tapos di nila pinaramdam sakin na may kinakampihan sila samin ni Carla. Kahit apektado yung barkada namin sa nangyari, they kept it cool. Diplomatic sila lahat.

Later that night, habang kinakain ko yung vanilla ice cream na bigay sakin ni Bobby, na-realize ko na super nag-ooverlap yung mga bagay-bagay samin ni Carla. Magkasama kami sa work. Pareho yung friends namin sa workplace. Nasa isang barkada din kami. Naramdaman ko na ang dami ring relationships sa paligid namin ni Carla na naapektuhan sa break-up namin.

“Alam mo friend, kaya ka nahihirapan ka ngayon kasi for four years, nag-create kayo ni Carla ng sariling mundo ninyo. Nag-eexist lang kami sa mundo ninyo from time to time pero most of the time kayo lang lagi ang magkasama. Parang ang nangyari kasi e package deal kayong dalawa. Alam mo yun. Walang Belle kung walang Carla. Pag andito si Carla, malamang sa malamang e andito ka din. Hindi kayo mapaghiwalay nun. Nakalimutan ninyo na pareho kayong individuals na dapat may tig-isang mundo.” – Ali

Tama si Ally. Tama eh. For four years, nakalimutan ko kung sino talaga ako as an individual. Lahat ng galaw ko, nakadepende sa galaw ni Carla. Lahat ng iniisip ko, nakadepende sa kung pano mag-isip si Carla. Lahat ng desisyon ko depende sa desisyon ni Carla.

Ang hirap magsimula gumawa ng bago kong mundo kasi sobrang magkadikit na bituka at brain cells namin ni Carla. Kahit nga sa usapang regla, magkadikit din kami, pag patapos na ang mens niya, for sure, ako naman ang susunod na magkaroon. Sa tuwing malungkot siya, nasasaktuhan lagi na nagte-text ako ng “i love you” sa kanya. Sa tuwing busy ako at naalala ko siya bigla, sakto rin lagi na tutunog yung phone ko dahil may “i love you” message siya para sakin. Ganun katibay yung pagkakatahi ng mundo ko sa mundo niya until nung gabing nahuli ko siyang niloloko pala niya ko.

Mahirap gumawa ng bagong mundo. Kung si Papa Jesus nga na super powerful na eh one week ang tinagal para ma-create ang mundong ginagalawan natin, ako pa kaya? Baka one year or more pa. Makakagawa ako ng bagong mundo. Alam ko yun. Medyo matatagalan nga lang.

Singapore!

17 May

After the Break-up: Commercial

“If only gay people could STOP feeling GUILTY for being different.”

After 10 years, I would love to settle in Singapore. 🙂